
MALIGAYANG PASKO MULA SA PUSO NG FLOCK OF THE THIRD SEX (FTS) LOBO ORGANIZATION INC.
Written By: FTS PridePulse
Ngayong Pasko, gusto naming ipadama ang isang malaking yakap ng pasasalamat, pag-asa, at pagmamahal mula sa FTS Lobo Organization Inc. Ito ang panahon ng liwanag, kabutihan, at pagtitipon, hindi lang ng pamilya, kundi ng komunidad na tumatayo para sa isa’t isa. At ngayong taon, mas lalo naming naramdaman kung gaano kalaki at kakulay ang ating pamilya dito sa FTS Lobo.
Marami tayong pinagdaanan. Mga programa, adbokasiya, events, challenges, at napakaraming moments na nagpatibay sa ating samahan. Pero sa lahat ng iyon, isang bagay ang naging constant. At yun ay ang pagmamahal at suporta ng bawat miyembro, volunteer, partner, at kaibigan na patuloy na naniniwala sa ating vision para sa mas inklusibong komunidad.
Ang Pasko ay hindi lang selebrasyon at paalala na bawat isa sa atin ay may kahalagahan. Na anuman ang SOGIESC natin, anuman ang hugis ng ating mga pangarap, at anuman ang laban na kinakaharap natin, may tahanan tayong babalikan. At dito sa FTS Lobo, proud kami na maging tahanan ninyo.
Kaya ngayong Pasko, dalangin namin ang kapayapaan sa inyong mga puso, ang saya sa inyong mga tahanan, at ang lakas para sa mga bagong simula. Patuloy sana tayong maging ilaw sa isa’t isa, sa ating mga kaibigan, at sa buong komunidad.
Mula sa amin dito sa FTS Lobo Organization Inc., isang masaya, makulay, at mapagpalang Pasko ang aming handog sa inyong lahat.
Mahal namin kayo at lagi kaming nandito, kasama ninyo sa bawat hakbang tungo sa mas inklusibo at makatarungang bukas.
Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon! Mabuhay ang bayan ng Lobo! Mabuhay ang lahat ng mamamayang Loboeño!
